Back to School Budget Tips Para Sa Mga Nanay Ngayong Pasukan

Balik eskwela nanaman ang mga chikiting. Kasabay nito ang pagbalik din ng mga gastusin para sa school supplies at baon. Bukod sa monthly utility bills, sasabay din ang extra gastos mula sa mga school projects at activities!

Nagiisip ka na ba kung paano pagkakasyahin ang sahod at naghahanap ng back to school tipid tips? Huwag nang mag-alala dahil narito kami para bigyan ka ng mga ideyakung paano ka makakatipid ngayon pasukan. Halika’t tignan ang alin sa mga back to school saving tips na ito ang swak para sa’yo!

Mag-DIY diskarte sa school supplies

Photo courtesy of Pixabay via Pexels

Lumagpas na tayo sa buwan ng Pebrero na talaga namang the best time to buy school supplies. Pero di mo kailangan mag-alala, ang kailangan mo lang ay konting diskarte!

Imbis na bumili ng mga bagong school supplies, i-recycle ang mga lumang notebooks sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga spring nito. Kolektahin ang mga pahinang walang sulat at pagsamasamahin bago tahiin ng yarn sa dating pwesto ng spring. Gumamit ng construction paper para sa magkabilang dulo bilang cover, bago balutan ng plastic cover.

Makakatipid ka na, magagamit mo pa ito bilang bonding activity kasama ang iyong mga anak!

Pumorma nang pangmatagalan

Photo courtesy of Lukas via Pexels

Mayroon din kaming tip on how to save on school supplies kung kailangan talagang bumili ng bago. Kung uniform ang pag-uusapan at hindi na kayang isalba ang kasalukuyan nilang gamit, bumili ng mas malalaking sizes upang magamit nila ito ng higit sa isang school year. Pumili rin ng matibay na klase ng sapatos upang hindi madaling masira at kailanganin ng bago kada taon.

Aminin natin, may kakulitan talaga ang mga chikiting at ang pagkakaron ng matibay na sapatos ay kailangan para kayanin ang pagiging bibo nila nang hindi agad nasisira. Huwag manghinayang sa kaunting dagdag sa presyo dahil mababawi mo ito sa mga taong daraan na hindi mo kailangang bumili ng bago.

Magagamit mo rin ang konseptong ito para sa ibang gamit na kakailanganin nila taon-taon kagaya ng school bag, medyas, underwear at iba pa!

Pasok mga suki, punta sa Divisoria

Photo courtesy of Nicole Law via Pexels

Isa sa ultimate back to school shopping tips sa ‘Pinas ay ang pagpunta sa Divisoria! Kung maraming kailangang bilhin at hindi ka kalayuan, magandang ideya ang bumili sa Divisoria hindi lang dahil sa ubod na murang presyo, hindi mo pa kailangang magpalipat-lipat ng tindahan! Nandito na lahat ng nasa iyong back to school supplies list! Uso rin dito ang paghingi at pagbibigay ng tawad kaya naman siguradong makakakuha ka ng tamang presyo sa mga bibilin mo!

Dahil bumiyahe ka na papuntang Divisoria, pwede mo narin itong samantalahin para mamalengke ng ibang kailangan ninyo sa bahay! Siguraduhin lang na kaya mong bitbitin ang mga pinamili dahil baka mawili ka sa murang presyo ng mga bilihin.

Mag-plano kasama buong pamilya

Photo courtesy of rawpixel.com via Pexels

Maliban sa paghahanda ng mga gamit sa darating na pasukan, kailangan din paghandaan ang gastos sa tuition fee, baon, at iba pang araw-araw o buwanang gastos. Para swak pa rin ang mga bayarin sa iyong sahod, kailangan mag-set ng back to school budget kasama ang buong pamilya.

Ipaliwanag sa lahat ang kahalagahan ng pagtitipid at sama-samang mag isip ng mga paraan para makabawas sa gastusin. Ang pagsali sa mga bata sa ganitong usapan ay hindi lang makakatulong sa’yong pagtitipid, matuturuan mo pa ang mga bata mag-diskarte sa pera. Tandaan, hindi lang ang mga misis ang dapat gumagawa ng paraan upang maka-menos sa gastos. Isali natin ang mga chikiting upang lahat ay makatulong at matuto.

Kung may isinuksok, may madudukot

Photo courtesy of Maitree Rimthong via Pexels

Tambak man ang ating mga gastusin ngayong pasukan, kailangan pa rin natin ipagpatuloy ang ating pag-iipon. Kahit maliit na halaga kada araw ay malaking bagay narin sa oras ng pangangailangan.

Upang makaiwas sa dagdag stress at malaking dagok sa oras ng pangangailangan, ngayon palang ay bumuo na dapat ng iyong Emergency Fund. Siguraduhin may laman ito at hindi natitigil ang iyong pagiipon dahil ito ang magsasalba sa’yo sa oras ng malalaki at biglaan na mga gastos.

Gaya ng naunang tip, isali ang mga chikiting sa pag iipon ng emergency fund at ipaliwanag sa kanila ang importansya at benepisyo nito para sa buong pamilya.

Mas masarap ang pabaon ni nanay

Photo courtesy of Ela Olsson via Pexels

Maliban sa pag iisip when to buy school supplies at pagpaplano sa dagdag bayarin sa eskuwela, pag-isipan na din kung paano makakatipid sa baon ng mga chikiting! Imbis na magbigay ng pera pang baon, mas mainam na ikaw mismo ang maghanda ng kanilang kakainin! Tiyak na makakatipid ka kumpara sa mahal na bilihin sa canteen, at di hamak na mas masarap at siguradong mas malinis at masustansya pa ang kakainin ng iyong mga anak. Maging creative sa paghahanda ng baon para laging maexcite ang mga bagets.

Kampante ka hindi lang pagdating sa budget, kundi pati sa kanilang kalusugan!

Gumamit ng budgeting apps sa phone

Photo courtesy of rawpixel.com via Pexels

Sa panahon ngayon, mas madali nang i-track and ating mga gastusin sa pamamagitan ng ating mga gadgets! Kaya naman dapat mong samantalahin ang mga back to school financial tips na ginagamitan ng devices.

Halimbawa, gumamit ng budgeting apps imbis na umasa sa lapis at papel. Mas madali itong i-update kahit saan ka magpunta at ano mang oras na gagastos ka. Mas madali mo rin makikita ang pinakamalaking pinagagastusan mo para makahanap ng paraan upang makamenos dito.

Siyempre, pwede mo rin itong gamitin para sa paghahanda ng shopping list para hindi mamili ng mga hindi kailangan sa oras ng pag-grocery. Ang kagandahan nito ay hindi kailangan maging bihasa sa mga gadget para makinabang dahil maraming apps ang madaling gamitin at intindihin. Hindi lang swak sa budget, may extra cool mom points ka pa sa iyong mga anak!

Sundin nang maigi ang budget

Photo courtesy of Pixabay via Pexels

Balewala ang lahat ng tips na ito kung hindi ka maglalaan ng oras na gumawa ng budget at sundin ito. Mayroon mang mga hindi inaasahang gastos na wala sa budget ay pilitin parin nating sundin ang mga nakalagay sa planadong gastusin at umiwas sa mga luho lalo kung labas ito sa kakayanan natin. Tandaan, mahirap ang gumastos ng pang luho kung ikaw naman ay kakabahan sa mga darating na gastusing hindi mo kayang bayaran.

Hindi kailangang magdusa ngayong pasukan, mga suki! Sa tamang diskarte at pamamaraan, makakatipid at makakahinga ng maluwag ang bawat nanay na gaya mo kahit pa sunod-sunod ang gastusin. Sundin lamang ang mga tipid tips na ito para makakahinga ng maluwa ang iyong pitaka ngayong back to school season.