Budgeting 101: Mga Tips Para sa Bagong Negosyante

Alam mo ba ‘yung sinasabing leap of faith? Minsan daw sa buhay ng tao kailangan mo mag-take nito. Iyon bang hindi ka sigurado sa kalalabasan, pero ika nga, tiwala lang. Maaaring na-experience mo ito nang tanggapin mo ang isang trabaho, nag-invest sa bahay, o kaya na-inlove. Ganyan din sa pagsabak sa negosyo. Sabihin na nating nag-research ka o nag-seminar, pero hindi nawawala ang risk o ‘yung katotohanan na tumataya ka lang din. Pwedeng maging okay, pwede ring hindi.

Hindi biro ang pagtatayo ng negosyo. Kaya ang tiwala at lakas ng loob, samahan mo ng puhunan sa kaalaman kung paano ito pauunlarin. Para sa isang new business owner, kahit pa mesa lang yan sa labas ng bahay na siyang gamit mo sa pagtitinda ng meryenda, mahalaga na alam mong humawak ng budget. Mahirap yung nagtataka kung nasaan napunta ang kinita mo at kung saan ka nanaman hahanap ng pang-abono kinabukasan. Naku, delikado ‘yan.

‘Di bale, dahil narito ang simpleng budgeting tips for business owners na kayang-kaya ninyong sundin.

Gumawa ng realistic budget

Una sa lahat, dapat meron kang budget. Para saan ba ito? Hindi ito para maging very strict ang pag-manage sa finances. Para lamang itong guide para makagawa ka nang mas maayos na spending decision. Isa itong business tool na ‘di mo dapat katakutan. Dapat think positive.

Ang unang dapat tandaan sa business budgeting 101 ay maging realistic. Dapat din naka-base ito sa aktwal na sitwasyon o calculated projections. Halimbawa ay sa presyo ng bilihin, renta, utilities, at lawak ng target market. Huwag masyadong mahigpit na tipong sa kakatipid mo ay halos wala nang nabiling supplies.

Lista is life!

Dapat may record ka ng lahat na pumapasok at lumalabas na pera. Halimbawa, bumili ka ng sangkap para sa raket mong pagbebenta ng meryenda gaya ng turon, ginataan, pansit, gulaman, at kung anu-ano pa, dapat nakalista ang expenses pati na pamasahe, gas, mantika, etc. Ang mga maliliit na bagay kasi kapag nakalimutan mo, gugulatin ka na lang. Kumbaga, dapat ilista ang lahat ng operational expenses mo.

Kung meron kang assistant o kaya empleyado, dapat alam din niya kung paano maglista ng gastos at kita. Pagkatapos ng araw, ang target ay dapat nailabas ang puhunan na paiikutin at may kaunting sobra.

Set your priorities straight

Isa sa dapat matutunan ng bawat new business owner ay kung paano mag-prioritize. Dapat unahin ang mga expenses na hindi pwedeng i-kompromiso. Kung meron kang inuupahang pwesto, dapat unahin ang renta, utilities, at sahod ng mga empleyado. Sanayin ang sarili na unahing bayaran ang mga ito dahil ito ang pundasyon ng negosyo mo.

Ibalik ang inutang

Madalas itong mangyari sa mga maliliit na negosyante. Kunwari, may-ari ka ng karinderya. Bigla kang naubusan ng load sa cellphone. Sasabihin mo, kuha nga muna ako sa kaha ng singkwenta pesos, balik ko mamaya. Pero ang ending, makakalimutan mo at ‘di na mababalik. Ganito kasi ‘yan, may pinaglalaanan ang bawat sentimong nasa kaha mo. Kaya ugaliin na ibalik ang hiniram na pera para magamit ito sa dapat paggamitan.

Be flexible

Okay lang na baguhin ang budget. Kaya nga budget e, ‘di naman ten commandments. Ang kagandahan nga sa pagba-budget at paglilista ay nakikita mo kung saan ka nagkukulang o sumo-sobra. Kumbaga, nakikita mo kung saan ka pwedeng mas maging efficient. Kapag napapansin mo na parang lumiliit ang kita o masyadong lumolobo ang gastos, baka kailangan nang amyendahan ang budget.

Expect the unexpected

Isa sa mga budgeting tips for business owners ay ang maging handa sa hindi inaasahan. Kaya nga dito nanaman papasok ang flexibility. Kung noong nagsimula ka ay 40/L lang ang kinakarga mong gas sa pang-deliver mong tricycle o van, ngayon nasa 60/L na. Hindi naman pwedeng hindi ka mag-adjust. Kaya dapat always ready. Hindi lahat ng bagay napa-plano.

Humanap ng suki na supplier!

Feeling mo ba medyo lumolobo masyado ang expenses mo? Baka naman kasi hindi sulit sa supplier mo. Dito mo gamitin ang husay mo sa research. Facebook lang makakakita ka ng best deal. Halimbawa meron kang salon, naku sa Binondo at Divisoria lang makikita mo na lahat ng kailangan mo. Mahalaga rin na mag-build ng magandang relasyon sa supplier mo para makakuha ng discounts at laging bago o latest pa for sure ang ibibigay niyang produkto sa’yo.

Huwag sayangin ang points

Halos lahat ngayon meron nang loyalty points. Sa mga nagnenegosyo, malaki ang maitutulong ng money saving tip na ito. Kung meron kang sari-sari store, siguradong hahakot ka sa points na pwede mong i-redeem. Kung ang business mo naman ay online selling at kailangan mong makipag-transaksyon sa mga remittance centers para sa bayad, makakaipon din ng points gamit ang loyalty card. Halimbawa na d’yan ang Palawan Pawnshop Suki Card na nagbibigay ng discount sa sangla, remittance fee, at rebates sa pag-claim ng padala sa Palawan Pawnshop branches. Wag ismolin ang points na ‘yan dahil malaking bagay rin ‘yan kapag naipon.

Ready for emergency

Sa negosyo dapat handa ka sa anumang emergency. Paano kung biglang may masirang makina o gamit, masira ang aircon, o bumagyo at masira ang tindahan? Para hindi ka mahilo sa kakahanap kung saan kukuha ng pera, ugaliin na isali sa pagba-budget ang emergency fund. Dedepende ang amount sa mga risks sa industriya mo.

Humanap ng business partner na maaasahan

Malaking bahagi ng tagumpay o pagbagsak ng isang negosyo ay ang mga tao o empleyado. Mahalaga na ang mga empleyado ay nauunawaan nang husto ang negosyo at ang industriya nito. Dapat din nauunawaan nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng budget. Higit sa lahat, dapat mayroon silang malasakit sa’yo at sa negosyo. Kahit sinong negosyante magsasabi na ang heart and soul ng kahit anong negosyo ay mga taong nagpapatakbo nito. Kaya kapag nakita mo na ang mga taong ito, alagaan at gawin silang tunay na bahagi ng negosyo.

Totoong hindi biro ang mag-negosyo pero hindi rin biro ang balik nito kapag naging matagumpay. Malaking bahagi nito ang tamang diskarte sa pagba-budget. Madalas ay hit or miss ito pero huwag basta-basta susuko.