Wala Ka Pang Ipon? Simulan ang 7 Money Saving Hacks Ngayong 2018

Photo Courtesy of GIPHY

"Mag-iipon na 'ko. Pramis!" Nakailang sabi ka na mag-iipon ka na ngayong taon. Pero malapit nang matapos ang unang buwan ng 2018, wala ka pa ring naitatabing pera. Anyare, besh? Huwag mo nang paabutin 'yan ng December. Totohanin na natin ang New Year's resolution mo! Kayang-kaya mo yan—kailangan mo lang ng tamang diskarte at techniques. Narito ang ilang money saving tips mula sa Palawan Pawnshop para mas madali kang makaipon nang malaki this year.

1. Ilista lahat ng mga gastusin

Photo courtesy of katemangostar via Freepik

Nagtataka ka ba na ilang araw pa lang after ng sweldo, namemeligro na agad ang laman ng wallet mo? Baka panay ang labas mo ng pera at hindi mo namamalayan na sobra na ang iyong paggastos.

Dapat alam mo kung saan napupunta ang iyong pera hanggang sa kahuli-hulihang sentimo. Mahirap mag-save kung hindi mo namo-monitor at nako-kontrol ang mga gastos mo. 

Ilista mo lahat ng iyong daily at monthly expenses, kahit 'yung pinakamaliliit na bagay tulad ng pamasahe sa tricycle at jeep. Madali mong makikita kung saan ka gumagastos nang malaki at aling gastusin ang pwede mong tipirin. 

Sa tabi ng listahan ng mga gastusin, idagdag mo rin ang halaga ng kinikita mo kada buwan. Sa ganitong paraan, makikita mo kung balanse ang income vs. expenses mo. At siyempre, maglaan ka ng fixed amount buwan-buwan para sa savings mo. Kung nahihirapan kang gawin ito, kailangan mong bawasan ang gastos mo at dagdagan ang kita mo.

2. Magbukas ng bank account para lang sa savings

Hindi counted dito 'yung payroll account kung saan nawi-withdraw mo ang sahod mo. Mas mabuting may bukod kang account sa bangko para lamang sa savings mo. Tuwing payday, kukunin mo 'yung nilalaan mong amount para sa ipon mo at ide-deposit ito sa savings account mo.

Kung nag-aalangan ka dahil wala kang oras at pasensya para pumila nang matagal sa bangko, may madaling paraan para regular kang makapag-deposit ng cash to your savings account. Pwede mo itong gawin through Palawan Pawnshop's Padala to Bank Account service. Go lang sa nearest branch at sagutan ang form na ibibigay ng teller. Then magpakita ng isang valid ID at iabot ang pera na ipapadala mo sa iyong bank account. Agad-agad na made-deposit ang pera mo sa bangko.

3. Mag-try ng isang money-saving challenge

Gawing mas exciting ang iyong pag-iipon. May mga easy money saving challenges na pwede mong simulan para tuloy-tuloy ang pag-iipon mo hanggang umabot ka sa iyong target amount.

Isa sa mga nauusong money saving hacks ngayon ang 52-week money challenge. Every week, magtatabi ka ng pera—simula sa maliit na halaga (Php 50) na lumalaki habang tumatagal. Sa dulo ng taon, posibleng makaipon ng halos Php 70,000 basta disiplinado ka.

Kung masyadong kumplikado para sa 'yo ang 52-week savings challenge at nakaka-nosebleed ang dami ng numbers na kailangang tandaan, may mga mas simpleng money saving challenge na pwede mong subukan, gaya ng 12-month saving challenge. Sa unang buwan, magtatabi ka ng 1% ng kita mo, and then 2% sa 2nd month, 3% sa 3rd month, and so on. Kung Php 20,000 ang monthly income mo, makakaipon ka ng mahigit Php 15,000 by end of 2018 sa challenge na ito.

Kahit sa simpleng pagtatabi ng bente o singkuwenta pesos araw-araw, makaka-save ka ng Php 7,000-18,000+ hanggang December. Not bad, 'di ba?

4. Sundin ang 48-hour rule

Photo courtesy of GIPHY

Narinig mo na ba ang "48-hour rule"? Madalas itong ipinapayo sa mga nagde-date. After mo makipag-eyeball sa ka-FB chat mo, maghintay ka dapat ng 48 hours bago mo siya i-text. O kapag nag-text si crush, magtimpi at magreply lang makalipas ng dalawang araw. In short: isip-isip muna bago landi.

Ang 48-hour rule sa pagtitipid: isip-isip muna bago bili. Tuwing may balak kang gastos, pag-isipan mo muna ito nang ilang araw. Kailangan mo na ba talaga ng bagong cellphone? Baka masyadong mahal ang gusto mong model. Baka may makikita ka pang mas mura kung maghihintay ka lang. Malay mo, pagbalik mo sa cellphone shop after 48 hours, out of stock na 'yung trip mong phone. Not meant to be!

Tandaan: Malaking bagay ang nagagawa ng paghihintay sa larangan ng pag-ibig at pera.

5. Sulitin ang discounts at promos 

Regular customer ka ba ng isang drug store, grocery store, at iba pang tindahan? Makakatipid ka sa iyong transactions kung mag-aavail ka ng discount card o loyalty card nila. 

Sa Palawan Pawnshop, puwedeng mag-avail ng Suki card to enjoy instant discounts sa sangla at pera padala services. Sa halagang singkuwenta pesos lang, makakatipid ka using the Suki card discounts sa iyong transactions kahit saang Palawan branch. 

6. Bawasan ang bisyo

'Yung akala mong barya-barya lang na yosi at soft drinks na araw-araw mong binibili, malaki pala ang nababawas nito sa budget mo sa buong taon. At eto pa: dahil sa bagong TRAIN o tax reform na isinabatas ngayong taon, tataas ang presyo ng sigarilyo at sweetened beverages. Kaya bawasan ang pagkonsumo ng mga ito—mas malaki na ang maiipon mo, magiging mas healthy ka pa.

7. Matutong tumanggi

Photo courtesy of GIPHY

Ang hirap sa ating mga Pinoy, hindi tayo marunong tumanggi sa mga kamag-anak na nangungutang, katrabahong nagpapalibre, at mga kabarkadang nagyayayang mag-party at uminom. Ang nangyayari tuloy, nagagalaw ang perang nakalaan sa mga mas importanteng bagay tulad ng pagkain, renta, at savings.

Mainam na ipaalam mo sa mga loved ones at kakilala mo na nagtitipid ka at nag-iipon. Maiintindihan ka naman nila—hindi ka naman siguro nila mahu-"hu u?" Puwede mo pa rin naman silang makabonding nang hindi gumagastos nang sobra. Invite mo na lang friends mo na mag-movie marathon sa bahay mo kaysa manood ng sine at kumain sa labas. Para-paraan lang 'yan!

Maraming iba pang easy money saving hacks na makakatulong sa 'yo na ma-develop ang habit ng pag-iipon. Ang totoong challenge ay ang disiplina at determinasyon na ituloy-tuloy ito hanggang sa dulo ng taon. Good luck sa iyong pag-iipon at pagtitipid ngayong 2018!