Looking for Extra Income? Narito ang 8 Rakets na Patok Ngayong Summer

Ang haba ng araw tuwing summer, ano? Parang ang dami laging pwedeng gawin. Pero may pinagkakaabalahan ka ba? Sayang naman kung wala. Ang summer, hindi lang bakasyon season kundi raket season din, besh.

Walang pasok sa eskwela kaya ang mga teenager at mga magulang, mas maraming free time. Tatambay ka na lang ba? Bakit hindi gamitin ang bakasyon para magsimula ng summer business at magkaroon ng extra income? Ikaw rin, baka magulat ka at pasukan na naman. Ibig sabihin, gastos season na naman. Kaya be ready and bring those summer business ideas to life. 

Maraming raket d’yan na hindi kailangan ng malaking puhunan. Kailangan lang, desidido ka.

Palamig kayo d’yan!

Napakainit ‘di ba? Konting lakad lang, pawis na agad. Kaya ang mga Pilipino, pampa-cool na meryenda ang hanap sa bawat kanto. Kung may maliit kang lamesa at malaking container, pwede ka nang magsimula ng palamig business. Pwedeng buko, melon, sago’t gulaman, at iba pang flavored juices. Pwede rin siyempre ang halo-halo at fruit shake. Samahan mo na rin ng turon, bananacue, maruya, empanada, at kung anu-ano pang classic Pinoy meryenda. Low capital na, siguradong kikita ka pa!

Ice, ice baby!

Lahat ng may ice, uso pag summer. Nandyan ang ice candy, ice cream, ice drop, pati na ice tubig. Kung may freezer ka, solb na.

May mga mura pero masarap din na ice cream na pwedeng ibenta sa murang halaga. Yung tipo bang maliliit lang at medyo nakakabitin para balik-balikan. Kung matyaga ka, maaari mo ring subukan gumawa ng homemade ice cream gamit ang iilang sangkap lamang. Magpaskil lang ng “for sale” na karatula sa bahay, siguradong bebenta ito.

Magtayo ng online tindahan

Sa panahon ng Facebook, Shopee, at Lazada, napakadali nang magsimula ng online selling business. Hindi mo na kailangan mag-renta ng commercial space dahil libre ang pagtatayo ng tindahan sa cyber space.

Medyo mas malaki ang puhunan nito kumpara sa mga palamig at ice candy pero kung maghapon ka namang nakatutok sa cellphone, ito na ang pinaka-praktikal na summer business para sa’yo. Isipin lang kung ano ang hilig mo pati na kung ano ang patok. Ilan sa online summer business ideas ay pagbebenta online ng mga summer dresses, swimming gear, Korean beauty products, at iba pa. Maghanap ng supplier na mura lang ang patong sa mga produkto para mas malaki ang kitain mo.

Kung medyo short ka sa puhunan, may one-stop money services ang Palawan Pawnshop na pwede mong tignan. Nandyan ang pag-sangla na napakababa ng interest rates. For as low as 1% interest, matutubos mo na ang sinangla mo. Kung may mahihiraman na kamag-anak, dito man o abroad, meron ding pera pedala service na may pinakamababang remittance fee.

Ukay-ukay sa bahay

Ngayong summer, may panahon ka para mag-general cleaning. Ika nga nila, de-clutter. Isang tingin lang sa closet mo, makikita mo na napakarami mong damit na ‘di mo na pala ginagamit. Meron kang mga sapatos na ‘di mo na nasusuot, bag na napaglumaan na, at kung anu-ano pang anik-anik sa bahay.

Para sa extra income, magsagawa ng isang ukay-ukay sale. Pwede mo rin i-post ang mga pre-loved items mo online. Siguraduhin mo lang na maayos pa ang kondisyon ng mga ito. Kahit sa mga libro lang na P50 bawat isa, siguradong kikita ka na. May extra income na, nawalan ka pa ng kalat sa bahay. At higit sa lahat, walang puhunan na kailangan.

What’s baking in the oven?

Kung meron kang oven sa bahay, napakadaling magsimula ng negosyo sa paggawa ng pastries. Magugulat ka dahil hindi pala mahal ang mga sangkap sa paggawa ng cupcakes, cookies, brownies, at kung anu-ano pang goodies. Gandahan lang ang packaging para mas maibenta mo ito nang medyo mas mataas. Magpa-free taste ka na rin sa mga kapitbahay para maengganyo sila. I-offer din ang mga ito sa mga kaibigan online para mas lumawak ang market ng negosyo mo.

Food trays at packed meals

Sa pagkain sumi-sentro ang mga pinakapatok na summer business ideas in the Philippines. Ano mang may kinalaman sa pagkain, siguradong panalo.

Magandang negosyo ang catering, pero matrabaho at malaking puhunan ang kailangan. Bakit hindi magsimula sa pag-o-offer ng packed meals at ang usong-uso ngayon na food trays? Siguradong patok ‘yan lalo na para sa mga gusto ng hassle-free summer outing o kaya naman sa mga empleyado.

Career sa video blogging

Seryosong hanapbuhay para sa maraming influencers ang mag-maintain ng Youtube channel. Kung mahilig kang manood ng videos sa Youtube, maiintindihan mo ‘yan. At higit sa lahat, alam mo kung ano ang patok sa mga subscribers.

Hindi naman kailangang artist ka para magsimula ng Youtube channel. Ang kailangan lang, entertaining and helpful ang mga posts mo. Kung mahilig kang magluto, subukan mong gumawa ng instructional video tungkol sa favorite recipes mo. Pwede ring arts and crafts kung mahilig ka sa mga ito. Isa pang in demand sa Youtube ang mga videos na pambata. Kung marunong ka ng basic graphics o animation, pwede mong subukan gumawa ng educational videos na pambata. Ang mga bata kasi, paulit-ulit kung manood kaya siguradong makakahakot ka ng views at subscribers. Malay mo, hindi lang ito summer raket kundi permanenteng sideline na talaga.

Virtual assistant

Narinig mo na ba ang tungkol sa pagiging virtual assistant? Isa ito sa mga pinakapatok na raket ngayon ng mga stay-at-home moms, pati na mga full-time employees na gusto ng dagdag na income. Subukan mong i-search ang vacancies for virtual assistant at magugulat sa dami ng kumpanya, sa Pilipinas man o abroad, ang naghahanap nito.

Ang kailangan mo lang dito ay computer skills at internet connection. Meron ding mga libreng training para dito online para mas maintindihan mo ang in demand na raket na ito.

Maraming paraan para maging productive ngayong summer. Naging productive ka na, may extra panggastos ka pa para sa pasukan. Ang maganda pa dito, pwedeng stepping stone mo ito para sa pagiging full-fledged entrepreneur.