Hindi Mahal Ang Magmahal! 14 No Spend Valentine’s Gift Ideas

Napakabilis ng panahon, mga suki! Parang kahapon lang, mataba-taba pa ang bulsa matapos ang mga Aguinaldo sa mga ninong at ninang o ‘di kaya’y may naitabi pang pera mula sa 13th month pay. Pero ngayon, Pebrero na agad! Panahon na uli para mamili ng gifts sa special someone mo. Kaso kasabay ng matuling takbo ng mga araw ang mabilis na paglagas ang pera.

Kahit kailangan mo uling mag-comeback mula sa paggastos at magsimulang mag-ipon, hindi n’yo kailangang i-cancel ang inyong date! Narito ang 14 no-spend gift ideas para sa Valentine’s Day for all stages in a relationship.

Para sa getting to know stage pa lang

man-holding-flower-in-front-of-woman-standing-935789Photo courtesy of vjapratama via Pexels

Isa sa pinaka-exciting na parte ng isang relasyon ang simula kung saan kinikilala niyo pa lang ang isa’t isa. Fresh pa ang kilig, at kulang ang tulog sa gabihang puyatan sa pag-uusap. Kahit nakakaka-tempt magpa-impress sa bagong jowa, hindi niyo kailangang gumastos nang malaki para dito. Narito ang ilang no-spend gift ideas na perfect para sa mga nasa getting to know stage pa lang ng pagsinta.

1. Dalhin si sweetheart sa isang concert

Music lovers ba kayo, mga suki? Why not treat yourselves to a free concert ngayong Valentine’s? Isa ring magandang date idea ng mga magjowa ang pumunta sa mga local gig. Pwede kayong dumalo sa mga music event ng new special someone niyo bilang isa sa mga unang date niyo as an item.

2. Sign-up sa isang short class

Dahil nagsisimula pa lang kayong kilalanin ang isa’t isa, one good date idea is to teach o learn something new together. Pwede kayong magsign-up ng free online classes na gustong-gusto ma-itry ng kasintahan mo. Isa itong magandang no-spend gift idea para kilalanin nang mas malalim ang iyong new jowa at matuto ng bagong skill.

3. Magtanim ng favorite flowers niya

Ang rosas ay ang pinakakilalang regalo para sa Valentine’s day. Step up your game at itry magtanim ng roses na siguradong ikatutuwa niya. Ika nga, it’s the thought that counts at mas lalo mong mai-impress si mahal sayo ‘pag may dala kang rosas na itinanim mo. Kung ‘di man yan ang paborito niya, pwedeng pwede kang magtanim ng ibang uri ng flowers o kaya succulents para sa kanya.

photo-of-blank-note-jar-of-vowsPhoto courtesy of  Jessica Lewis via Pexels

4. Isang jar ng vows

Isa sa no-spend gift ideas na pwede mong ibigay ay ang jar of vows. Kung may empty jar diyan sa bahay niyo na malinis at presentable, pwedeng-pwede mo paglagyan ng sweet messages para sa special someone mo. Ilabas ang creativity at sincerity mo sa pagsusulat ng vows para tumagal pa kayo ng lubusan, Suki!

Para sa long term magjowa

adult-camera-couple-facePhoto courtesy of Pixabay via Pexels

Kung kayo naman ay matagal nang magjowa at nagsisimula nang mag-isip na bumuo ng pamilya, siguro time-pers na muna sa paggastos at magsimulang mag-aral mag-invest at magpalago ng pera. Here are some Valentine’s gift ideas para sa mga nagtitipid na long-term jowas. 

5. Bumisita sa workplace niya

Kung ‘di nalang siya siya kiligin sa gift idea na to, Suki, baka ikaw ang may problema. Isa sa pinakamatamis na gift idea na pwede mong ibigay ay ang presensya at oras mo. Surpresahin siya sa pamamagitan ng tulong ng workmates niya at pagtulungan niyo kung paano mo mapapasaya ang mahal mo sa trabaho niya. Siguraduhing ‘di ito makakaistorbo sa kumpanya o co-workers niya para smooth lang ang Valentine’s day niyo.

6. Gumawa ng relationship time capsule

It’s never too late to start a time capsule, mga suki! Para gawing special ang inyong no spend date, gumawa kayo ng unforgettable time capsule na naglalaman ng mga alaala ng inyong relasyon. Pwedeng maglagay sa isang kahon ng mga lumang larawan o dating regalo. I-lock ito at itago sa hindi madaling mai-access, at balikan matapos ang ilang taon.

7. Mag-arrange ng playlist

Nagkakilala ba kayo sa isang concert o kaya pareho ang music taste niyo? Subukan mong mag-arrange ng playlist para sa kanya. Sa dami ng music streaming apps o kaya YouTube, pwede kang gumawa ng playlist. Kung sinisipag ka ay pwede kang gumawa ng playlist cover design, para naman maipakita mo ang creative juices at sinseridad mo.

8. Magpa-shout out sa radio station

Isa pang magandang Valentine’s Day idea ay ‘yung pagpapa-shout out ng kasintahan mo sa radyo. Kung mayroon kayong paboritong radio DJ o show, tamang tama ‘to sa inyo. Pwede mo rin itong gamitin pang-announce ng pag-propopose, sana lang ay maisagot rin kayo ng matamis na oo! Tipid na nga kayo sa gift, mas lalong maiinlove sa inyo si jowa.

host-family-game-nightPhoto courtesy of Pixabay via Pexels

9. Host family game night

Dahil matagal-tagal na kayong magkasama ng inyong jowa, malamang kilala n’yo na ang pamilya ng isa’t isa. This Valentine’s Day, bakit hindi niyo isama sa mga date plan n’yo ang buong pamilya? Pwede kayong mag-host ng family game night kung saan magkakaroon ng friendly competition ang families niyo. Dito pwede mong maisingit ang pictures niyo together o kaya mga abubot na naipasa niyo sa isa’t isa. Siguradong magkakaalahanan kayo ng masayang memories.

Para sa mga mag-asawa

old-couple-walking-while-holding-handsPhoto courtesy of Noelle Otto via Pexels

Kung kayo naman ay mag-asawa na, matagal man o bago pa lang, baka sawa na kayo sa mga mamahaling date o selebrasyon. Mas bagay siguro sa inyo ang simpleng pagsasama lang. Narito ang ilang wais no-spend gift ideas para sa inyo!

10. Acts of kindness

Sa tagal niyo na magkasama, maaaring nakakalimutan mo na ang superhero o superwoman mo ay tao rin. Tapusin mo ang mga chores niya for the weekend. Siguradong magugulat siya makitang tapos na ang gawaing bahay gaya ng paglilinis o kaya paglalaba. ‘Pag natapos mo rin ito ay mas maraming oras nang matitira sa Valentine’s Date niyo.

11. Mag-sign up sa isang kompetisyon na gusto niya

Kung hindi kayo fitness lover ng asawa n’yo, pwede kayong magsimula na ngayong 2020! What better time than Valentine’s season? Magsimula sa pag-target ng isang goal, tulad ng pagtakbo sa isang marathon o race. Ang importante ay magkasama n’yong i-prioritize ang isa’t isa ngayong taon!

magtarget-ng-businessPhoto courtesy of Craig Adderley via Pexels

12. Paglutuan mo siya, Suki

Dahil kilalang-kilala niyo na ang isa’t isa, siguradong kabisado niyo na ang tiyan at panlasa ng inyong asawa! Siguro naging tradisyon niyo na ring kapag may okasyon ay ipagluluto niyo ang sweetheart niyo ng paboritong pagkain nila. Pwede rin niyong pagsamahin ang mga sangkap ng mga paborito niyong pagkain, o ‘di kaya nama’y sumubok ng mga combination na bagong-bago sa inyo!

13. Espesyal breakfast in bed

Speaking of pagluluto, isa ring timeless no-spend gift idea ang breakfast in bed. Hindi niyo kailangan ng mamahaling pagkain. Kahit simpleng tapsilog lang, basta mula sa puso, maa-appreciate ‘yan ng inyong asawa! Syempre nandiyan din ang effort ng paggising ng maaga, at pag-iisip ng paborito nilang almusal. Pwede kayong humingi ng tulong sa mga chikiting sa paghahanda. Pwede nga rin kayong manatili na lang sa kwarto buong araw—one whole day of relaxation kasama ang pinakamamahal ninyo sa buhay. Bahala na ang bagets sa gawaing bahay!

assorted-photos-and-notebook-gumawa-ng-scrapbookPhoto courtesy of charan sai via Pexels

14. Make a scrapbook

Sa tagal ng pinagsamahan ninyo, marami na kayong nabuong mga alaala nang magkasama. Para matulungan kayong tandaan ito sa mga susunod na taon, puwede kayong gumawa ng scrapbook ng inyong relationship. Baybayin ang pagsisimula ng suyuan hanggang sa pag-uwi sa kasalan! Siguradong parehas kayong matutuwa sa pagkolekta ng mga larawan at pagbabalik tanaw sa mga alaalang kaakibat ng mga ‘to. 

Kung ano man ang mapili niyong gawin this February, ang importante ay makasama ang mahal niyo sa buhay. Hindi mahalaga ang pagiging enggrande o mamahalin ng date; dahil ang essence naman ng Valentine’s ay ang pagmamahalan labas sa perang kayang ibigay.